Ni Lily Reyes
NAUNSYAMING planong pagnanakaw sa kumpanya ang nakikitang motibo sa likod ng pagpaslang sa 50-anyos na security guard na natagpuang pugot ang ulo sa isang car exchange sa Balintawak, Quezon City sa mismong araw ng Pasko.
Batay sa pinakahuling impormasyon, nagkasa na rin ng manhunt operation ang Quezon City Police District (QCPD) laban sa mga suspek na nakilala sa pangalang Michael Caballero at Jomar Ragos na itinuturong pumatay sa biktimang si Alfredo Valderrama Tabing ng Tondo, Maynila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nabisto ng biktima ang plano nina Caballero at Ragos na nakawin ang isang safety vault na naglalaman ng P3.6 milyon cash mula sa nabentang sasakyan ng pinagtatrabahuhang Ford Balintawak.
Para matiyak na walang testigong posibleng ikapahamak pa nila, minabuti di umano ng mga suspek na patahimikin na lang si Tabing na iniwang nakasubsob sa pwesto, walang buhay – at wala na rin ang ulo.
Hanggang sa mga sandaling isinusulat ang balita, nananatiling misteryo kung saan itinapon ng mga salarin ang ulo ni Tabing.
