Ni JAM NAVALES
HIGIT pa sa batas ang Republic Act 11959, ayon sa isang partylist congressman, kasabay ng pagsusulong ng mahusay at sapat na serbisyong medical sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa paraan ng pagpapatayo ng mga regional specialty centers, alinsunod na rin sa layunin ng administrasyong Marcos Jr.
Ayon kay House Committee on Health Vice Chairperson at AnaKalusugan partylist Rep. Ray Reyes, patuloy niyang tututukan ang implementasyon ng RA 11959 (Regional Specialty Centers Act) para tiyakin ang katuparan sa pangako ng Pangulo.
“We thank the President for his commitment to bringing healthcare closer to the people and we laud his lofty goal of establishing an additional 179 specialty centers by 2028,” pahayag ni Reyes.
“Bilang isa sa mga unang nagsulong ng pagkakaroon ng specialty hospitals sa mga kanayunan, makakaasa po ang ating mga kababayan sa ating lubos at patuloy na suporta sa programang ito,” dagdag pa niya.
Ayon kay Reyes, sa pagtatapos ng taong 2023, umaabot sa 131 ang “functional specialty centers” ang naipatayo sa ilalim ng naturang batas.
Aniya, ngayong taon, nasa P11.12 billion ang inilaan para sa pagpapatayo ng karagdagang specialty centers sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
“We need to make specialized medical services accessible to people in the provinces and unburden them from the unnecessary travel and other expenses,” giit ng pro-health advocate lawmaker.
“Sa tulong ng batas na ito, umaasa po tayo na hindi na kakailanganin pang bumyahe ng malayo ng ating mga kababayan para matugunan ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan,” pagbibigay-diin pa niya.
Sinabi ni Reyes na ang programang ito ay isang magandang halimbawa ng pagkakaroon ng batas na direktang may pakinabang sa mga mamamayan.
“By bringing these specialty centers closer to our people, we reassure our kababayans that wherever you are in the Philippines, you can have access to affordable, specialized care,” pagtatapos niya.
