PARA sa mga miyembro ng House prosecution panel, hindi biro ang pagbabanta ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin sa kabiyak na si Liza Araneta at pinsan na si former House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang pulong-balitaan, binigyang diin ng mga mambabatas na tumatayong House prosecutors ang kahalagahan pagsasakdal sa bisa ng impeachment trial para ipabatid sa publiko ang mga kamaliang hindi na anila dapat pang tularan.
“Ang totoo po dito, ang pinoprosecute po natin hindi po lang yung threats ng Pangulo. Ang pinoprosecute din po natin yung kultura ho ng pagbabanta,” wika ni impeachment prosecutor Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon.
“The followers follow the leader, hindi ho ba? So if the leader had made threats against the President, kahit yung mga sumusunod ho sa kanila ay ganun din ang ginagawa, doon sa umuusig sa kanila pong leader,” dagdag niya.
Ani Ridon, di dapat palampasin ang anumang uri ng pagbabanta kesehodang mula sa isang elected official o sa mga panatikong tagasuporta.
“Very important nga na in the same manner na we are exacting high accountability on the VP for grave threats against the President and his family, dapat ganoon din kataas ‘yung sigasig natin doon sa paghahabol sa lahat ng gumagawa ng mga pagbabanta,” dagdag ng Bicol Saro solon.
Iginiit naman ni House prosecutor Manila Rep. Joel Chua na ang impeachment case laban sa bise-presidente ay nagsisilbi ring na pag-angat sa pamantayang inaasahan sa bawat public official.
“Itong pagbabanta na ginawa po, ito po ay hindi ordinaryong pagbabanta dahil ito pong pagbabantang ito ay pagbabanta sa head of the state. Ibig sabihin po, ito po ay pagbabanta sa Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nagrepresenta sa ating bansa,” paliwanag ni Chua.
“Kami po hindi lamang natin ito pinananagot dahil siya po ay Bise Presidente, pero gusto rin po natin ipakita sa mga bata at mga kababayan natin na ganito po ay mali po,” diin ni Chua.
“Hindi po ito ang dapat na asal o inaasal ng mga tao lalong-lalo na po ‘yung mga nasa pinaka-matataas na posisyon sa ating lipunan dahil kung ganito po ang magiging asal, ano pa po ang pwedeng gayahin ng mga bata?” aniya pa.
Sa panig ni Deputy Speaker Janette Garin, ipinaalala niya na ang kasong nakahain sa Senate impeachment court ay hindi isang simpleng diskurso o anumang uri ng intimidation, ito’y tahasang pagbabanta sa buhay ng mga tao.
“‘Yung pagbanta na pinag-uusapan sa impeachment court ay pagbanta ng pagpatay. Marami, puwede kang magbanta ng sulat. There are a lot of threats, pero ‘yung pagbanta ng pagpatay ay hindi ordinaryo ’yun,” mariing sabi ni Garin.
“Maski galit ka or meron kang inaayawan, hindi ito rason para magbanta ka sa iba. Lalo na kapag ito ay banta ng pagpapatay,” dagdag niya.
Bilang public official, sinabi ni Garin na mas malaki ang responsibilidad sa paggawa ng tama dahil kailangan din itong maging mabuting halimbawa.
“Hindi pwedeng gawing normal ’yan (pagbabanta)… And we have to set a good example. Dahil kaakibat ng ating posisyon ay pananagutan,” sambit pa ni Garin.
