Ni LILY REYES
PUMALO sa tumataginting na P362.20 bilyon ang kabuuang pondong nalikom ng ahensya noong nakalipas na taon — pinakamalaki mula nang likhain ang naturang tanggapan ng gobyerno.
Sa kalatas ng SSS, ibinida ni SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet na higit pa sa target na P330.80 bilyon ang nakolekta mula sa buwanang butaw ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sa 2023 unaudited financial statement, binanggit ni Macasaet na ang koleksyon ng kontribusyon ay nanatiling pangunahing pinagkukunan ng kita ng SSS noong nakaraang taon, na umabot sa P309.12 bilyon.
Ayon naman kay SSS Executive Vice President Branch Operations Sector Voltaire P. Agas, may kabuuang P10.48 bilyon na kontribusyon mula sa mga bagong miyembro ang nakolekta noong nakaraang taon.
Aniya pa, ang pagtaas ng kontribusyon ay maaari din maiugnay sa mataas na koleksyon ng mga delingkuwensya mula sa mga employers na hindi nagre-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Noong 2023, dagdag pa niya, pinalakas ng SSS ang pagtugis sa mga delingkuwenteng employers sa buong bansa sa bisa ng Run After Contribution Evaders (RACE) campaign para makapangilap ng pondo sa mga kumpanyang hindi nakapagmit ng monthly contribution na karaniwang binabawas sa sahod ng mga empleyado.
Ang lahat ng sangay ng SSS sa buong bansa ay nagsagawa ng mga RACE campaign noong nakaraang taon sa layong pilitin ang mga delingkwenteng employer na sumunod sa batas sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Notice of Violation at pag-uutos sa kanila na mag report sa SSS sa loob ng 15 araw o harapin ang mga nakaambang kaso.
