Ni LILY REYES
SUGATAN ang 31-anyos na rider sa naganap na karambola ng walong sasakyan sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.
Sa naantalang report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5, bandang 10:04 ng umaga (February 14), nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng Batasan-San Mateo Road, sa kanto ng North-view-1 Road at Filinvest-2 Road, Brgy. Batasan Hills, sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon, lulan ng Isuzu Giga Tractor Head na may hilang heavy trailer truck (NEG6648), binabaybay ng driver na si Bensil Tidon Eduarte, 38, ang Batasan-San Mateo Road.
Ayon kay Eduarte, dahil umano sa mabigat na kargada ng mga delivery cargo ay nawalan ng preno ang trak at sumalpok sa Toyota Innova Wagon (NHI-1588) na minamaneho ni Rhonel Ledesma Zabal, 56, kaya nabangga din nito ang Yamaha Nmax Motorcycle (500-UAN) ni Sarvin Narsico Saratublas, 31, na residente ng Brgy. 176, Caloocan City.
Kabilang sa mga nadamay sa karambola ang isa pang Yamaha Nmax Motorcycle (754-QTJ) ‘di nakuha ang pangalan ng rider; Toyota LiteAce Pick-up (NHC-3238) na minamaneho ni Germiniano Broncano Reyes Jr., 43; New Mazda Sedan (ZTK-291) na minamaneho ni Marco Christian Reclusado Leano, 44; Honda Motorcycle (247-QVU) na minamaneho ni Jeson Naing Orbina, 38, at Mitsubishi L300 (UQS-435) na minamaneho ni Allan Original Danao, 60-anyos.
Nabatid na bukod sa rider na si Saratubias, wala nang iba pang napaulat na nasugatan sa nangyaring aksidente.
Nakatakdang sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting In Damage To Property with Physical Injury ang truck driver.
