ASAHAN ang salungat na galaw sa presyo ng mga binebentang produktong petrolyo sa merkado sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy -Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB)
Sa isang pahayag, sinabi ni DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero, maglalaro sa 30 hanggang 60 sentimos kada litro ang inaasahang tapyas sa presyo kada litro ng krudo. Ipinako naman sa 50 sentimos ang nakikitang rollback para sa kerosene.
Samantala, asahan naman aniya ang 20 hanggang 50 sentimos na pagtaas sa presyo ng gasolina kada litro.
Karaniwang ipinatutupad tuwing araw ng Martes ang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo sa merkado.
Sa datos ng kagawaran, pumalo na sa P5.45 kada litro ng gasolina ang itinaas habang P4.45 sa krudo, at 40 sentimo naman sa kerosene.
