Ni LILY REYES
NAGPAHAYAG ng suporta ang Federation of Free Farmers (FFF) sa inisyatiba ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francis Tiu-Laurel sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon paluging pagbebenta ng rice buffer stocks ng mga opisyales ng National Food Authority (NFA).
Kamakailan, inihayag ni Laurel ang preventive suspension kay NFA Administrator Roderico Bioco, 138 iba pang opisyal at kawani ng NFA.
Batay sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, lumalabas na ipinasa ng NNFFA ang hindi bababa sa 75,000 sako ng NFA rice sa piling rice traders sa halagang P25 kada kilo – o katumbas ng P 93.75 milyon.
“Stricter rules must be put in place on when and how these aging stocks are disposed of, and at what price, in order to avoid discretion and potential collusion between NFA officials and private buyers.” giit ni FFF Chairman at dating DA Secretary Leonardo Montemayor.
Hinimok ng FFF si Laurel na tingnan ang mga naiulat na anomalya sa mga nakalipas na panahon, kung saan ang mga bagong giling na bigas na nasa kustodiya ng NFA ay pinalalabas na nabubulok na upang bigyang-katwiran ang pagbebenta ng buffer stock sa presyong dehado ang ahensya.
Meron din aniyang pagkakataon na ang mga de-kalidad na stock ng palay na ipinadala sa mga pribadong miller para sa pagproseso ay inilipat sa mababang kalidad ng bigas.
“Sa ilalim ng batas, ang NFA ay maaaring maglagay ng buffer stocks lamang sa pamamagitan ng pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka. Paano kung ayaw magbenta dito ng mga magsasaka dahil masyadong mababa ang presyo nito, gaya ng nangyayari ngayon? Ang Rice Tariffication Law (RTL) naman ay nagbabawal sa pag-import ng NFA, kaya saan kukuha ng stocks ang ahensya?”, tanong niya.
Dagdag ni Montemayor, inalis ng RTL ang palay at rice price stabilization functions ng NFA at epektibong hindi pinapayagan itong magbenta ng subsidized rice sa publiko, gaya ng sa pamamagitan ng KADIWA outlets, maliban na lang kung may kalamidad.
