Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAKATAKDANG humarap sa Kamara ang mga police regional directors bunsod ng di umano’y pagbabalik-sigla ng ilegal na sugal sa iba’t ibang panig ng bansa, ayon kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Hirit ni Tulfo House Committee on Public Order and Safety, ipatawag at isalang sa pagdinig ang lahat ng regional directors ng Philippine National Police (PNP).
Agad naman gumulong ang imbestigasyon ng naturang House panel alinsunod sa House Resolution No. 1549 kung saan sinimulang talakayin laganap na operasyon ng illegal gambling sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) area.
“We’re talking of illegal gambling Mr. Chair, I suggest that we call all the regional directors (of the PNP). Kasi ang gambling po ay proliferated na sa bansa,” mapangahas na pahayag pa ni Tulfo sa nasabing pagdinig.
Sumang-ayon naman si Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez, ang House panel chairman sa mosyon Tulfo kahit na ang kanilang pagsisiyasat ay dapat na nakatuon lamang sa Calabarzon.
“We have to compare what is happening in Region 4A (Calabarzon) and what is happening in different parts of this country. For that, we will be allowing your motion that we need to invite all the regional directors but insofar as the resolution that I filed is concerned,” tugon pa ni Fernandez.
Ibinunyag naman ni Tulfo na ang pagkakasangkot diumano ng mga lokal na opisyal, kasama na ang mga pulitiko, na siyang pangunahing problema sa paglaban sa ilegal na mga pasugalan.
“Kahit anong gawin nating ‘yaw-yaw’ dito kung hindi naman matigil ito, wala ring mangyayari rito. Bata pa lang ako nag-iimbestiga na ang Kongreso at Senado ng illegal gambling wala namang nangyayari. So, we must do something about it kasi napakalala na talaga ng pasugalan,” himutok ni Tulfo.
“Problema hindi lang po itong mga otoridad natin ang pasok diyan, pati ang mga pulitiko, masakit man hong sabihin pati ang mga pulitiko natin kasama rin minsan diyan,” dagdag pa ng mambabatas.
Pagbibigay-diin ni Tulfo, kinakailangan ang political will sa pagresolba ng problema sa ilegal na sugal – “Kung talagang hindi mo gusto, hindi talaga mangyayari kung ikaw ay mayor,” ani Tulfo.
“Hindi ako naging mayor o governor pero noon ay nasa media ako at alam ko kung ano ang nangyayari. Kung ikaw ay governor o mayor ikaw ang ama ng probinsya o ang ama ng lungsod. Kung sinabi mong hindi, hindi talaga,” dagdag pa niya.
Ani Tulfo, ang PNP ay siyang may administrative control sa local police force subalit ang katotohanan ay ang local chief executives ang silang may kapangyarihan o nasusunod.
“Kapag sinabi po ng mga mayor na I don’t like it, wala po talaga yan (illegal gambling). Marami naman pong mga cities at municipalities sa atin na walang pasugalan because ayaw ng mga mayor, ayaw ng governor. Kapag inayawan yan titigil po yan,” tigas na sabi pa ni Tulfo.
Kinatigan rin ni Iligan Rep. Celso Regencia, na isang three-termer mayor, ang pahayag ni Tulfo na ang mga lokal na lider ay ang pinakaimportanteng sangkap sa pagresolba ng ilegal na sugal.
“Totoo po yung sinasabi ni Cong. Erwin Tulfo na kung hindi po papayagan ng Mayor yung pasugalan ay talagang titigil po yun. Kasi sa pulis kung hindi ka papayag sa gusto ng pulitiko, immediately gagawan ka ng order na ipa-relieve ka sa position mo,” sabi ni Regencia.
Pinunto rin ni Regencia na dapat ay synchronize ang mga aksyon ng lokal na pamahalaan at pulis upang malutas ang patuloy na problema sa sugal.
“Tandem talaga ang city director, provincial director at local government,” dagdag pa ni Regencia.
