Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa mga mambabatas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, hindi dahila ang mahabang Lenten break para isantabi ang atas ng mandato.
Sa isang kalatas, tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na magpapatuloy ang pagdaraos ng mga pagdinig ng lahat ng standing at special committees kahit pa sila ay nasa limang linggo na Lenten break.
Giit ni Romualdez, mahalagang ipagpatuloy ang mabilis na pagtugon at pag-apruba sa mahahalagang panukala partikular yaong mga naglalayon pagaanin ang pasanin sa buhay ng mga mamamayan.
“The House remains steadfast in its commitment to serve the Filipino people. Allowing committee hearings during the break demonstrates our dedication to fulfilling our duties as legislators and addressing the needs of our constituents,” giit pa ng lider ng 300-plus strong na House of Representatives.
Katunayan, iniulat ni Speaker Romualdez ang naging 100-percent accomplishment ng Kamara sa pagpasa sa SONA at LEDAC priority measures, na mas maagap ng tatlong buwan sa itinakdang taning para maaksyunan ito.
Bukod dito, mayroon din aniyang malaking papel ang House sa paggamit ng oversight functions, kasabay ng giit na ang mga imbestigasyon at pagdinig ay nagsisilbing gabay ng kamara sa pagbalangkas ng mga makabuluhang panukala.
“These inquiries are the bedrock of accountability and transparency within our government,” sabi pa ng lider ng Kamara.
Inihalimbawa ni Speaker Romualdez ang deliberasyon ng House Committee on Ways and Means, katuwang ang Committee on Senior Citizens, at Special Committee on Persons with Disabilities hinggil sa implementasyon ng batas para sa discounts, incentives, at tax exemptions para sa senior citizens at persons with disabilities (PWD).
“Dahil sa aksyong ito ng mga komite at pagbabantay ng Kongreso, naitaas natin ang discount sa grocery ng ating mga senior citizen at person with disability. Sa mga susunod na araw, itataas ang kanilang discount mula P260 tungo sa P500 kada buwan,” paglalahad pa ng Leyte lawmaker.
Maging ang pagdinig ng House Committee on Health kung saan hinimok ang PhilHealth na magbigay ng mas marami pang makabuluhang serbisyo at benepisyo ay binanggit din ni Romualdez.
“Naitaas natin ang benefit package para sa breast cancer patients mula P100,000 tungo sa P1.4 million. Nagawa rin nating mai-libre ang mammogram at ultrasound exam para sa lahat ng kababaihang Pilipino para mai-ligtas sila sa sakit na kanser,” ayon pa sa House Speaker.
“Moreover, we have taken the lead in constructing the Philippine Cancer Center, an advanced facility designed to serve as a place of healing and optimism. This center seeks to revolutionize cancer care in the country by incorporating the latest medical innovations and promoting collaboration among specialists to offer a top-tier setting for individuals battling cancer,” dagdag pa niya.
Kaya naman sa mosyon ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy, inaprubahan ng House leadership na magkaroon pa rin ng committee proceedings kahit sila ay naka-break mula Marso 21 hanggang Abril 28, 2024.
