WALA pang plano ang Department of Health (DOH) na magrekomenda ng lockdown sa kabila ng paglobo ng mga kumpirmadong kaso ng tinatawag na “pertussis” o whooping cough sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Maging ang mandatory face masks, hindi pa rin umano napapanahon ayon kay Health Undersecretary Eric Tayag.
Gayunpaman, nilinaw ni Tayag na pwede naman umanong magkusa na lang ang publiko magsuot ng facemask sa mga mataong lugar – o di kaya’y manatili sa loob ng bahay kung may dinaramdam.
Paalala pa ni Tayag, panatilihin ang tinawag niyang basic safety sa paraan ng paghuhugas ng kamay at pagpili ng mga lugar na may maayos na bentilasyon upang makaiwas sa pertussis at iba pang respiratory infections.
Kinumpirma rin ng tagapagsalita ng kagawaran na nakataas na ang antas ng alerto kaugnay ng pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng pertussis sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa datos ng DOH, 10 rehiyon ang nakapagtala ng pagtaas ng mga kaso ng karamdamang inaasahang dadami pa sa mga susunod na araw.
Kabilang sa sintomas ng pertussis ang bahagyang lagnat, sipon at ubo na tumatagal ng pito hanggang 10-araw.
