MATAPOS lisanin ang Commission on Elections (Comelec), nagpapahiwatig ng pagnanais si dating Comelec spokesperson James Jimenez bumalik sa naturang ahensya.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nagkita di umano sila ni Jimenez sa ceremonial signing ng memorandum of agreement kamasa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Rotary International District 3810, at Associated Marine Officers and Seamen’s Union of the Philippines.
Sa isang panayam, inamin ni Garcia ang pagbisita sa ni Jimenez sa kanyang tanggapan may dalawang linggo na ang nakaraan.
“Dumalaw kasi siya sa ibang opisina ng komisyon, I think dito sa OFOV at sa iba pang kilala niya at nagkataon na nagpunta s’ya dito sa opisina ng chairman at nagsabi din siya, hindi ko alam kung pabiro o ganun ka seryoso pero ang sabi niya baka naman may available na posisyon at baka pwede na mag-apply na muli dito sa Comelec,” wika ni Garcia.
“Ako, hindi naman akong nagulat sa ganong klaseng offer sapagkat maraming katulad din niya na mga galing dati sa Comelec ang gusto at nagpapahayag ng pagpasok muli sa Commission. Kaya lang sobra sobra po ang mga opisyal namin ngayon na meron kami at talagang walang bakante na mataas na pwesto dito sa atin sa komisyon,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, naniniwala si Garcia na isang positibong pahiwatig sa repormang inilatag sa ahensya ang pagnanais ni Jimenez magbalik sa nilisang tanggapan.
Samantala, itinanggi ni Jimenez na nais niyang bumalik sa ahensyang kanyang pinagsilbihan sa loob ng dalawang dekada.
