Ni EDWIN MORENO
HINDI karahasan ang angkop ng solusyon sa lumalalang problema ng bansa laban sa pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
Para kay Marbil, hindi na rin umano kailangan magdeklara ang pamahalaan ng giyera kontra droga para abutin ang asam-asam na “drug-free communities.”
Taliwas sa estratehiya ng mga nagdaang PNP chief, tinabla rin ni Marbil ang nakagawiang paramihan ng arestado at dami ng kumpiskadong kontrabando.
“Ang gusto namin is ano talaga, hindi yung paramihan kasi napipilitan ka eh. Sige magparamihan tayo ng huli, pero you don’t solve the problem… now it’s more of key performance indicator based doon sa kanya-kanyang regions. Ano ba specific na problema ng regions mo then we will base yung sa performance mo,” wika ng bagong hepe ng pambansang pulisya.
“Wala po kaming giyera dito. Hindi ito giyera na kailangan. It’s more of talaga na paano natin mapapababa ang crimes natin based doon sa mga parameters natin. I don’t want to say na may drug war, parang giyera na naman kami,” dagdag pa niya.
Binalaan rin ni Marfil ang lahat ng PNP personnel hinggil sa paggamit ng cellphone habang naka-duty.
“This is my first and last warning, no cellphone during duties. We need patrol, pagka nahuli ka naming nagse-cellphone, there will be no forgiveness. Very strict kami diyan. Gusto namin duty, duty, kapag patrol, patrol. Andito yung mga commanders natin. I need beat patrols, gusto ko maramdaman ng tao yung mga pulis natin sa baba,” ani Marbil.
Samantala, tiniyak ng PNP chief na walang magaganap na malawakang balasahan sa senior officers ang bagong hepe ng PNP.
“I do not do that kasi pagka ginawa mo yung reshuffle na ‘yun magiging unstable yung unit eh… We will be coming up with a better parameter to be measured. Kung hindi mo kaya ito, then we will give you a chance to improve. Kung hindi mo talaga kaya, then we will get a better commander,” paliwanag ni Marbil.
Sa halip na magpatupad ng internal cleansing, mas nais ng opisyal na magtakda ng pamantayan na magsisilbing gabay sa mga pulis.
“Yung internal cleansing always look at pulis natin na masama eh. Every time na nag-internal cleansing kami, laging sinasabi niyo changes. You know mababait yung mga pulis natin kaya nga sabi natin we go for leadership by example.”
“Ang kailangan lang natin hindi po internal cleansing. We just come up with better measurements for our policemen na dapat ito ang standard na hahabulin niyo. You cannot cope with the standard then we will teach you how,” dagdag niya.
