SA loob ng mga nakalipas na taon, napanatili ni dating Senate President Manny Villar ang pagiging pinakamayaman sa Pilipinas, ayon sa talaan ng mga bilyonaryo ng Forbes Magazine.
Sa datos ng Forbes Magazine, tumataginting na $11 bilyon (katumbas ng mahigit P621 bilyon) ang yaman ng 74-anyos na si Villar.
Pag-aari ng dating Senate President na tumatayong chairman ng Vista Land & Lifescapes ang Golden MV Holdings (dating Golden Bria), na developer ng mga mass housing project at memorial park.
Sa kanya rin ang nagkalat na Vista Mall, AllHome, AllDay Mart, AllTV, at Premiere Island Power REIT.
Sa kabila ng dami ng salapi ni Villar, target din ng dating Senate President na magtayo ng casino at theme park sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Bukod kay Villar, pasok din sa talaan ng pinakamayaman sa bansa si Enrique Razon na may net worth na $10 bilyon (katumbas ng mahigit P564 bilyon). Higit na kilala si Razon sa kanyang mga negosyo tulad ng International Container Terminal Services (ICTSI) at Bloomberry Resorts na siyang nagpapatakbo ng Solaire Resort and Casino.
Swak din sa talaan ng mga bilyonaryo si Ramon Ang ng San Miguel Corporation sa $3.5 bilyong net worth (katumbas ng P197 bilyon).
