Ni JAM NAVALES
SA gitna ng mataas na antas ng alinsangan bunsod ng sabayang epekto tag-init at El Niño phenomenon sa malaking bahagi ng bansa, nanawagan si AnaKalusugan Partylist Rep. Ray Reyes sa publiko ng ibayong ingat at protektahan ang sarili laban sa sakit na kalakip ng panahon.
Ayon kay Reyes, damang-dama na ang sobrang init ng panahon dahil na rin global warming na sinabayan pa ng El Nino – dahilan para mabahala sa kalusugan ng mga tao.
Panawagan ni Reyes sa publiko, tumutok sa pagtataya ng panahon at heat index forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
“Safety is of paramount importance and extreme caution should be taken during these temperature surges,” giit pa ni Reyes, na siya ring vice-chairman ng House Committee on Health.
“Maging alerto din po tayo lalo na kapag nakaranas ng mga sintomas ng mga sakit na may kinalaman sa mainit na panahon,” dugtong ng kongresista.
Panawagan din ni Reyes, sundin ang payo ng Department of Health (DOH) kung paano maiiwasan ang pagkakaroon ng anumang heat-related illnesses.
“Heat-related illnesses are preventable. Ilan po sa mga maaari nating gawin ngayong tag-init ay ang limitahan ang pananatili sa labas habang tirik ang araw, uminom ng maraming tubig at iwasan ang pag-inom ng tsaa, kape, soda at alak,” ayon pa sa AnaKalusugan partylist solon.
Maging sa mga employer, may panawagan din si Reyes partikular sa pagtalima sa ipinatutupad na Labor Advisory No. 8, series of 2023 ng Department of Labor and Employment (DOLE) na patungkol sa pagbibigay proteksyon sa mga manggagawa mula sa heat stress.
“Labor Advisory No. 8, series of 2023 recommends various measures to avoid heat stress among employees, which include reducing extreme heat exposure of employees through adequate ventilation and heat insulation in workplaces, adjustments in rest breaks and work locations, use of personal protective equipment, and access to hydration,” paalala ni Reyes.
“Sundin po sana natin ang advisory na ito para sa kapakanan ng ating mga empleyado, lalo na iyong mga nasa manual labor na kumakayod sa labas ng mga opisina,” pagtatapos ni Reyes.
