Ni JIMMYLYN VELASCO
BINANGONAN, Rizal – Binigyang-pagkilala ng lokal na pamahalaan ang mga natatanging indibidwal na nag-ambag sa larangan ng sining at kultura, kasabay ng pagdiriwang ng ika-124 na anibersaryo para sa pagkakatatag ng munisipalidad.
Sa isang pahayag, minarapat ni Mayor Cesar Ynares na parangalan ang mga residente para sa angking talentong aniya’y nagbigay karangalan sa Binangonan sa iba’t ibang anyo ng sining – musika, entablado, pagguhit, panitikan, potograpiya at iba pa.
Angkop din aniya pukawin ang kamalayan ng mga kabataan at mga susunod na henerasyon panatilihin ang kultura ng bayan.
Kabilang sa mga pinarangalan ng lokal na pamahalaan sa larangan ng sining at kultura sina Arnold Cequena (musika), Mar Ramento (pananamit), Her Gonzaga Galang (panitikan), Bobbit Patag (event organizing), Gigi Lagarejos (fashion), Daniel Cado (event organizing), Claudio Aramil Jr. (visual arts), Melvin Anore (potograpiya) Bong Anore (pagguhit-dibuho) at Alan James Lagasca (musika).
Hamon ni Ynares sa mga kabataan, lingunin ang nakaraan para sa kinabukasan ng bayan.
