Ni LILY REYES
WALANG kupas pagdating sa kontrobersiya ang tinaguriang Kingpin ng Ilocos Sur.
Pag-amin ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, nag-alok siya ng P100,000 sa mga traffic enforcers na nakahuli sa kanyang convoy habang binabaybay ang EDSA.
Gayunpaman, nilinaw ng dating gobernador na hindi suhol ang naturang halaga kundi isang gantimpala ipinamalas na dedikasyon sa trabaho.
“Humihingi ako ng paumanhin sa MMDA,” ani Singson sa isang ulat na unang inilabas ng GMA News.
“Pinapahanap ko na si Chairman [Romando] Artes. Magpapadala ako ng P100,000 premyo sa mga nanghuli para ma-encourage sila na manghuli. Wala dapat above the law,” wika ni Singson.
Aminado si Siingson na sakay siya ng isa sa dalawang sasakyan ng hinuli ng mga MMDA traffic enforcers habang binabaybay ang EDSA Busway sa Cubao, Quezon City.
“Wala namang harang eh, nag-overtake lang sa bus lane, pero ganun pa man hindi dapat gayahin; mali yun,” paliwanag ni Singson na di umano’y patungo sa isang programa sa telebisyon.
