ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., nakatakdang magpulong ang tatlong departamento ng gobyerno para pag-aralan kung paano mapataas ang antas ng benepisyo sa pamilya ng mga sundalong nasawi sa pakikipag bakbakan laban sa mga kalaban ng estado.
Sa binigkas na talumpati ng Pangulo para sa paggunita sa Araw ng Kagitingan sa makasaysayang lalawigan ng Bataan, partikular na inatasan ni Marcos ang Department of National Defense (DND), Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) na himayin at timbangin kung sapat ang benepisyo ng gobyerno sa mga bayaning sundalo.
Binigyan-pagkilala rin ng Pangulo ang mga buhay na sundalong aniya’y tinataya ang buhay sa pagtatanggol sa bansa laban sa mga dayuhang mananakop.
Bukod sa mga tinaguriang “killed-in-action,” pasok din sa direktiba ni Marcos ang mga sundalong nasugatan at nagtamo ng permanenteng kapansanan bilang pagganap sa sinumpaang tungkulin sa bayan.
