BUKOD sa pagbababad sa tubig at pananatili sa bahay kung wala rin lang mahalagang pakay sa labas, hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasan muna magkape para hindi madagdagan ang nararamdaman init sa katawan.
Paglilinaw ng DOH, hindi bawal magkape. Gayunpaman, dii rin naman anila angkop ang paghigop ng mainit na kape sa gitna ng matinding alinsangan dala ng mataas na temperatura.
Babala ni DOH spokesperson Albert Domingo, kabilang sa posibleng maranasan bunsod ng labis na init ang heat exhaustion o heat stroke.
Paliwanag ni Domingo, maaaring magpahirap sa pagbaba sa temperatura ng katawan ang pag-inom ng kape, tsaa at iba pang mainit na likidong posible pang maging sanhi ng dehydration.
Sa halip na kape, hinikayat ni Domingo ang publiko na uminom nng tubig para iwas-peligro sa panahon nng tag-init.
Una na rin nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mapanganib ang lubhang heat index sa sandaling pumalo sa 42 degrees Celsius hanggang 51 degrees Celsius.
