TODO tanggi ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na miyembro ng sandatahang lakas ang nagpakilalang AFP Major na nahuli ng mga traffic enforcers na bumabaybay sa kahabaan ng EDSA bus lane sakay ng pribadong sasakyan.
Maging si Philippine National Police (PNP) Directorate for Logistics Maj. Gen. Mario Reyes, pinabulaanan na pamangkin niya ang isang Major Miguel sa pagnanais makalusot sa traffic citation ticket bunsod ng paggamit ng exclusivelane para sa mga pampasadang bus sa kahabaan ng EDSA noong Huwebes ng gabi..
“I want to make it clear that this person who introduced herself as Major Miguel of the AFP is not a relative by blood nor by affinity. I never met her in any capacity,” ani Reyes.
Sa video footage, nagpakilalang Fil-Am si “Major Miguel,” na nasa bansa di umano para ayusin ang taunang Balikatan exercises sa pagitan ng mga sundalong Pinoy at mga Amerikano.
“Any attempt to exploit the name or reputation of a law enforcement officer for personal gain or to avoid accountability is utterly unacceptable and undermines the integrity of our organization,” dugtong pa ng heneral.
Sa ilalim ng umiiral na reglamento, limitado lang sa mga pampasadang bus, emergency response vehicles at ilang mataas na opisyales ng pamahalaan ang EDSA bus lane kung saan kabilang sa mga nabulilyaso kamakailan sina dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson at driver ng SUV na may protocol plate na naka-assign kay Sen. Chiz Escudero.
Panawagan ni Reyes sa Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr), maglabas ng show-cause order sa motoristang impostor.
