Ni LILY REYES
HINDI malayong ganap na magwakas ang pamamayagpag ng mga kolorum sa pangunahing lansangan kasunod ng paglagda sa kasunduan ng pamunuan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa bisa ng isang Memorandum of Agreement (MOA), nagsanib-pwersa ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) na lipulin ang mga kolorum na sasakyan para tiyakin ang kaayusan sa sektor ng public transportation.
Magkakasamang lumagda sa MOA sina DILG Secretary Benhur Abalos Jr., DOTr Secretary Jaime Bautista, MMDA Chairman Romando Artes, at PNP Chief General Rommel Francisco Marbil.
Ayon kay Abalos, ang sabayang pagkilos ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maglunsad ng kampanya kontra kolorum na kabilang sa mga nakikitang dahilan sa pagsisikip sa daloy ng trapiko at pumapatay sa negosyo ng may mga lehitimong prangkisa.
Ikinatuwa naman ni Artes ang MOA signing. Paliwanag ni MMDA chief, madalas d umano binabarako lang ng mga bruskong kolorum operators at drivers ang mga enforcer ng ahensya.
Katunayan pa aniya, may mga dokumentadong insidente kung saan pinalibutan ng mga kolorum drivers mga MMDA traffic enforcers.
Sinabi naman ni Bautista na matagal na silang may operasyon laban sa kolorum pero mas magiging epektibo sa sabayang pagtugis ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Matatandaang una nang ininda ng mga tsuper at operator na umabot sa 35 porsyento ang nawawala sa kanilang kita dahil sa mga pamamayagpag ng mga kolorum sa kani-kanilang ruta sa kalakhang Maynila at mga karatig probinsya.
