PARA kay Justice Secretary Crispin Remulla, dapat nang pauwiin ng gobyerno ng Timor Leste si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa panunuhol ng kampo ng sinibak na kongresista sa isang opisyal ng Criminal Investigation Police sa naturang bansa.
Hirit ni Remulla, agarang deportation kay Teves na nahaharap sa mahabang talaann ng kasong kriminal, kabilang ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso ng nakalipas na taon.
Batay aniya sa impormasyong natanggap ng kagawaran, nag-alok di umano ng $2,000 ang anak ni Teves kapalit ng seguridad sa “loob at labas” ng Becora Prison.
Marso nang dakpin si Teves ng pulisya ng Timor Leste alinsunod sa red notice na inilabas ng International Police (Interpol).
“As a result, calls for the immediate extradition or deportation of Teves have intensified in Timor Leste to prove to the international community that the country does not harbor international fugitives,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng DOJ.
“Let us stop playing hide and seek with the law, one cannot evade accountability for eternity. Prolonging your liabilities with the rule of law only worsens your predicament,” pagtatapos ng Kalihim.
