Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI dapat ipagwalang bahala ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) ang pagpanaw ng 70 indibidwal kada araw bunsod ng tuberculosis, lalo pa’t pwede naman lunasan kung maagapan.
Ito ang pananaw ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasabay ng panawagan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isama sa free diagnostic packages ng ahensya ang prerequisite tests para sa mga hinihinalang tuberculosis carriers.
“It is a highly curable disease. Yet, it remains the number one killer among all infectious diseases. Every day more than 70 people lose their lives to TB in the Philippines needlessly,” pahayag ni Romualdez.
Maging ang kanyang maybahay na si Tingog Partylist Rep. Yedda K. Romualdez, kumbinsidong napapanahon nang lubos-lubusin ng PhilHealth ang serbisyong pangkalusugan sa mga obrerong kinakaltasan kada buwan.
Sa ginanap na health caravan na inorganisa nina Rep. Yedda at House Deputy Majority Leader Janette Garin (Iloilo 1st Dist.), pumalo sa 1,000 magsasaka at mangingisda sa Iloilo City ang pinagkalooban ng libreng medical check-up at angkop na gamot.
Pangako ng House Speaker, makikipag-ugnayan ang Kamara kay PhilHealth President Emmanuel Ledesma para gawing bahagi ng free Konsulta packages ang prerequisite tests para sa suspected TB carriers.
Ito’y bunsod na rin sa pahayag ni Garin na mayroon umanong ilang indibidwal na tinamaan ng nasabing sakit ang hindi nabibigyan ng libre at sapat na gamutan dahil sa kawalan ng preliminary kidney at liver readiness tests.
“Most of the time, suspected TB carriers have no means to have themselves tested for TB because of the costs it entails. According to Deputy Majority Leader Garin, ang nangyayari, hindi sila nabibigyan ng gamot kasi hindi nila mapa-test kung pwedeng tumanggap ng gamot ang kanilang kidneys at liver, tapos nakakapanghawa pa ng kapamilya o kapitbahay,” ani Romualdez.
Sa panig ni Rep. Yedda Romualdez, na isang registered nurse, marapat lang isama sa PhilHealth Konsulta packages ang creatinine at SGPT/SGOT tests, na siyang kinakailangan para sa suspected TB carriers.
“This way, we can help more people get medical attention for a very communicable disease that can affect even children. We help the people who have TB and we prevent the spread of this preventable disease,” giit pa ni Rep. Yedda Romualdez na tumatayong chairperson ng House Committee on Accounts.
Una nang hinimok ng mag-asawang Romualdez at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo ang PhilHealth na magkaroon ng libreng mammograms at breast ultrasounds para naman sa mga kababaihang hinihinalang may breast cancer – bagay na agad namang tinugon ni Ledesma.
