PARA kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, napapanahon nang makipagsabayan muli sa mga pamilihan ang NFA rice para mapilitan ang mga mapagsamantalang negosyante ibaba ang presyo ng binebentang commercial rice.
“Magbenta muli ng NFA rice sa mga palengke para maging affordable ang bigas sa lahat. Ito lang ang tanging paraan para bumaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan,” hirit ni Tulfo sa isang pahayag.
Sa pagsusuri ng tanggapan ng kongresista, lumalabas aniyang mas mabili ang bigas na mula sa NFA kesa sa mga commercial rice. Ang dahilan – di hamak na abot-kaya ng bulsa ang NFA rice.
“Noong may NFA rice pa sa palengke, mas mura sila ng P5 to P10 per kilo kumpara sa regular commercial rice”, dugtong ni Tulfo.
Gayunpaman, aminado ang kongresista na hindi magiging madali ang isinusulong na pagbabalik ng NFA rice sa mga pamilihang bayan – “Para mangyari ito, kailangan na talagang ibasura itong Rice Tariffication Law”.
Sa ilalim ng Republic Act 11203 na mas kilala sa tawag na Rice Tariffication Law, mahigpit na ipinagbabawal sa NFA ibenta ang bigas na pwede lamang ilabas sa panahon ng emergency.
“May mga batas kasi tayo na di na naaangkop sa panahon kaya kailangan ng rebyuhin o ibasura”, aniya pa.
Subalit positibo ang mambabatas na tutukuran ng Kongreso ang mungkahing ibalik sa palengke ang NFA rice –”Kagaya ngayon mahal ang bigas at naghahanap ang tao ng murang bigas…and it’s only NFA that can deliver that”.
