SA isang pambihirang pagkakataon, nakakuha ng elitistang kaalyado ang mga tsuper na kontra sa isinusulong na jeepney phaseout ng gobyerno – ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Employers Confederation of the Philippines (ECOP).
Sa isang kalatas, kapwa nagpahayag ng pagkabahala ang PCCI at ECOP sa anila’y tila pagmamadali ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mawala sa kalsada ang mga traditional jeeps.
Ayon sa PCCI at ECOP, isang matinding dagok ang nakaamba sa daan-daang libong pamilyang umaasa sa kakarampot na kita mula sa pamamasada ng jeep.
Bukod sa PCCI at ECOP, kabilang rin sa mga kontra sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ang hanay ng Trade Union Congress of the Philippines, Federation of Free Workers, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, at Philippine Exporters Confederation.
Hirit ng mga naturang grupo sa gobyerno, rebisahin ang PUVMP at tugunan muna ang daing ng mga apektadong sektor.
“We call for an urgent review of the PUVMP in order to address its legal, financial and human rights infirmities; a suspension of the deadline for consolidation for an indefinite period of time; and advocate for the creation of an affordable, sustainable and carbon-neutral mass transport system,” saad sa isang joint statement.
Para sa anim na organisasyon, wala man lang inilatag na maayos na plano sa implementasyon ng programa at maging sa usapin ng alternatibo sa kabuhayan at tulong sa mga mawawalan ng trabaho.
Wala rin anilang sapat na konsultasyon sa hanay ng mga operator na paulit-ulit na nagpahayag ng pagkabahala sa halaga ng mga modern jeep na isinnusulong ng DOTr at LTFRB.
Batay sa datos ng mga mga transport groups, naglalaro sa P2.5 hanggang P2.8 milyon ang halaga ng bawat modern jeeps.
Hindi umano nagkaroon ng ‘just transition’ sa “formulation, execution, and oversight of the PUVMP” at hindi rin nakonsulta ang mga operator at driver sa disenyo ng modern jeepney.
Taliwas din umano ang PUVMP sa UN Sustainable Development Goals na “no one should be left behind” sa anumang pagbabago sa ekonomiya at industriya.
“The phasing out of jeepneys without providing an affordable alternative for working-class commuters could create a domino effect on domestic businesses and the economy, potentially raising the cost of living and feeding into inflation. This concern further emphasizes the need for a careful and considerate approach to modernizing public transport,” anila.
