
TALIWAS sa ipinagmamalaking programa kontra kahirapan ng pamahalaan, pumalo sa 17.4 milyon ang bilang ng mga pamilyang “pasok” sa kategorya ng maralita.
Sa isang non-commissioned survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS), lumalabas na ang kabuuang bilang ng “self-rated poor families” ang pinakamataas sa loob ng nakalipas na 21 taon.
Ayon sa SWS, bahagyang mababa ang 63 percent “self-rated poor families” nang isinagawa ang survey noong Disyembre ng nakalipas na taon, kumpara sa 64 percent na naitala noong Nobyembre 2003 sa ilalim ng administrasyon ni former President Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa datos ng data research firm, nasa 11% ng pamilyang Pilipino ang nasa “borderline” o yaong inilagay ang kanilang sarili sa linyang naghahati sa mahihirap at hindi mahirap na klasipikasyon.
Naitala rin ng SWS na 26% ng pamilyang Pilipino ang nagsabing sila’y hindi mahirap na pamilya – mas mababa kumpara sa 28% noong Setyembre 2024.
Pinakamarami ang respondents naniniwalang pasok sa kategorya ng pobre ang kinabibilangang pamilya sa Mindanao (76%), kasunod ang Visayas sa 74%, Balance Luzon sa 55% at Metro Manila sa 51%.