
TIWALA si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na maaabot ng Kamara ang target na pagtibayin ang nalalabing siyam sa may kabuuang 44 priority measures na inilatag sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ito makaraang ganap na lumusot sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Kamara ang House Bill No. 8456 (Philippine Downstream Natural Gas Industry Development Act) at HB 8443 na naglalayong maitatag ang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS).
“The approval of these twin measures manifests our firm commitment to the passage of the remaining LEDAC priority measures in line with the Agenda for Prosperity of President Ferdinand R. Marcos, Jr.,” pahayag ni Speaker Romualdez.
“Makakatulong ito sa ating layunin na pangalagaan ang kapaligiran upang maibsan ang masamang epekto ng climate change at masigurong mayroong sapat na supply at mas abot-kayang presyo ng koryente para sa ating mga mamamayan,” dugtong ng House leader.
Una nang ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig sa paggamit ng natural gas sa energy mix ng bansa at tugunan ang lumalaking pangangailangan sa suplay ng enerhiya at mapaunlad pa ang renewable energy sources.
Ani Romualdez, dahil sa pagkakapasa ng HB 8456 at HB 8443, may sapat na oras pa sila para aprubahan ang pito pang LEDAC bills, na kinabibilangan ng National Employment Action Plan; Department of Water Services and Resources; pag-amyenda sa Electric Power Industry Act; Anti-Agricultural Smuggling Act; Budget Modernization; National Defense Act; at ang Unified System of Separation, Retirement and Pension for Uniformed Personnel.