
HINDI man nakadalo sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bumisita naman sa Palasyo si former President Rodrigo Duterte para talakayin ang naganap na pulong kay Chinese President Xi Jinping.
Ayon sa Presidential Communication Office, dakong alas 6:15 Miyerkules ng gabi nang salubungin ni Marcos si Duterte sa Palasyo na noo’y kasama si Senador Bong Go at former Executive Secretary Salvador Medialdea.
Pagtatapat naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, mismong ang Pangulo ang nagkwento sa kanya sa naging paksa ng pakikipag-usap kay Duterte.
“What he (Marcos) mentioned to us during the duration of (former) President Duterte’s meeting with Xi Jinping, the topic of the West Philippine Sea never was brought up,” ani Zubiri.
Gayunpaman, kumambyo ang Pangulo at sinabing si Duterte na mismo ang nagbukas ng usapin hinggil sa tensyon sa West Philippine Sea.
“According to the president, it was actually (former) President Duterte who mentioned to Xi Jinping that on the issue of the West Philippine Sea, look kindly to the Philippines.”
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni PCO Secretary Cheloy Garafil na pinayuhan rin ni Duterte ang kasalukuyang Pangulo. Gayunpaman, wala nang iba pang detalyeng inilahad ang Kalihim.
Hulyo 17 nang makipagpulong si Duterte kay Xi sa bansang China – bagay na alam ng Palasyo batay sa pag-amin ng Pangulo.
Kamakailan lang, pinagtibay ng Senado ang isang resolusyong kumokondena sa anila’t panggigipit ng China sa mga mangingisda at maging sa mga bantay-dagat sa West Philippine Sea na pasok sa 200 nautical mile radius na itinakda para sa exclusive economic zone.
Hindi naman malinaw kung itatalaga ni Marcos ang dating Pangulo bilang special envoy ng Pilipinas sa China, batay sa mungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano na minsang nagsilbing Kalihim ng Department of Foreign Affairs.