
KUNG pagbabatayan ang taya ng panahon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tila mapupurnada pa yata ang disdkarte ng mga batang nais lumikom ng pera’t regalo sa araw ng Pasko.
Ang dahilan — posibleng pasukin pa ng dalawang malalakas na bagyo ang bansa sa buwan ng Disyembre, bunsod ng pag-init sa tubig sa karagatan sa gawing Pacific Ocean.
“Ang forecast po natin, may isa o dalawang bagyo tayong inaasahan ng December,” wika ni PAGASA deputy administrator for research and development Marcelino Villafuerte.
Maging ang unang buwan ng susunod na taon, hindi rin aniya malayong makaranas pa rin ng mga pag-ulan.
“And then in the first quarter, meron pa rin, isa hanggang dalawa or minsan zero to one pa nga ‘yung some months,” dugtong ni Villafuerte.
Sa mga nalalabing araw ng Nobyembre, dalawa pang tropical cyclones ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa huling abiso ng ahensya, nasa loob pa rin ng bansa ang mga bagyong Marce, Nika at Ofel, habang nakaamba naman ang pagpasok ng panibagong bagyong tatawaging Pepito.
“Nagkataon po na meron po kasi tayong warmer sea surface temperature dito po sa western section ng Pacific na kung saan immediately po ito sa ating karagatan sa east Philippine Sea,” aniya.