Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“THE burden has now shifted to Garcia… for the Comelec Chairman to prove these solid pieces of evidence wrong, if he can!”
Ito ang matigas na pahayag ni SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta sa kanyang pagharap sa media kanina kung saan iprinisinta niya ang ‘verified information’ hinggil sa nauna niyang isinawalat hinggil sa 44 offshore bank accounts na binuksan umano ng isang top official ng Commission on Elections (Comelec).
Kasabay sa paglalabas ng solidong ebidensya, tahasang tinukoy si Comelec chairman George Garcia na siyang may-ari ng naturang foreign bank accounts.
Mungkahi ni Marcoleta, dalawa na lamang ang maaaring gawin ng poll body chief – ang magbitiw sa pwesto o magpaliwanag na mabuti sa kanyang nadiskubre.
Ginawa ni Marcoleta ang pahayag bilang tugon na rin sa naunang pagmamatigas ni Garcia na wala umano itong kahit isang bank account sa labas ng bansa.
“This is very conclusive… no one can say this is merely an allegation because we have already verified his offshore bank accounts,” mariing sabi pa ng batikang kongresista.
Matatandaan na noong nakaraang Hulyo 9 ng taong kasalukuyan, unang ibinunyag ni Marcoleta ang pagpasok sa iba’t-ibang offshore accounts ng nasa P120 million, na mula Miru Systems Co. Ltd., ang South Korean firm na ginawaran ng P18-billion contract para mangasiwa ng automated election system ng 2025 midterm polls.
Noong panahong iyon, sa kabila nang pagpupumilit sa kanya, tumanggi si Marcoleta na tuluyang pangalan ang top Comelec official na sinasabing nagmamay-ari ng offshore bank account dahil patuloy pa silang naghahanap ng matibay na ebidensya.
Si Garcia naman, sa hiwalay na panayam ay nagsabing matagal na niyang nabatid na mayroong magiging demolition job sa Comelec, kabilang na umano ang pasabog ng Sagip partylist lawmaker at kahit hindi pinangalanan ay nagmatigas ang una na hindi siya ang opisyal na sinasabing may bank accounts sa ibang bansa, na pinasukan ng pinaniniwalaang suhol ng Miru Systems Co. Ltd.
“After Chairman Garcia challenged me to show proof, my team and I spent resources and time to track his offshore bank accounts. We then found 49 accounts opened only in 2022 and last year, registered in the Cayman Islands, China, Hong Kong, North America and Singapore — all traceable to him,” ani Marcoleta.
“Ang 49 offshore bank accounts ay naglalaman ng kabuuang US$15.2 million (katumbas ng halos P1 billion), of which at least US$2.1 million or approximately P120 million were deposited by persons affiliated to Miru from June of last year until March this year,” dagdag pa niya.
Bago pa man aniya simulan isara ang 22 sa foreign bank accounts noong huling Linggo ng Hunyo, nakapag-deposito pa ng salapi sa dalawang Cayman Island account ang isang third party.
“We have proof to show that the deposits were successfully made to two offshore bank accounts under the name of George Erwin Mojica Garcia — the Comelec Chairman himself, who previously denied owning any such account,” tigas na sabi pa ni Marcoleta.
Kasabay nito, pormal na naghain ang mambabatas ng House Resolution No. 1827 na humihiling sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms at iba pang appropriate committees na magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, sa ginawa umanong deposito sa ilang offshore accounts ni Garcia.
“Comelec Chairman Garcia must be made accountable. Let’s protect the integrity of our votes next year,” ayon pa kay Marcoleta.
