TINIYAK ni House Speaker Faustino Dy III na dadaan sa butas ng karayom ang nasa P7.2 trilyong panukalang national budget para sa taong 2027.
Pagtitiyak ni Dy, ang bawat pisong bahagi ng pananalapi ng bansa ay mapakikinabangan ng sambayang Pilipino.
“Hindi sapat na sabihin kung magkano ang ginagastos. Dapat maipakita kung ano ang nagagawa ng bawat piso. Ang bawat piso ay dapat may katumbas na ginhawa para sa bawat Pilipino,” pahayag ni Speaker Dy sa isinagawang turnover ceremony ng 2027 National Expenditure Program (NEP).
“Sa Bagong Kongreso, masusi nating susuriin ang bawat bahagi ng panukala. Tatanungin natin ang mga ahensiya hindi lamang kung magkano ang kanilang hinihingi, kundi kung paano ito gagamitin at kung anong konkretong bunga ang maibibigay nito sa sambayanan,” dugtong ng lider ng Kamara.
Ayon kay Speaker Dy, matapos ang pormal na pagtanggap ng kopya ng 2027 NEP kay acting Budget Secretary Kim Robert De Leon, partikular na isasaalang-alang ng mga mambabatas ang mga mamamayan sa proseso ng paghimay ng panukalang 2027 national budget.
Ibinida rin ni Dy ang gabay sa proseso — People-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future.
“Saan mapupunta ang pondo, ano ang konkretong mababago nito, at paano ito mararamdaman ng ordinaryong Pilipino.”
Para kay Dy, ang national budget ay higit pa sa mga nakatalang numero, at alokasyon nito dahil nasa likod ang pag-aasam ng lahat ng Pilipino na sa bawat guguguling halaga ay katumbas ang mas mahusay na serbisyo, mas maraming oportunidad at pagpapabuti sa kalidad ng buhay.
“Sapagkat ang budget na ito ay para sa pamilyang umaasang magiging mas abot-kaya ang presyo ng pagkain; sa magulang na nangangailangan ng maayos na serbisyong pangkalusugan; sa batang nangangarap makapagtapos; sa magsasakang nangangailangan ng suporta; at sa manggagawang naghahangad ng disenteng trabaho at mas patas na pagkakataon,” sabi pa ng House Speaker.
“Sila ang dapat maging batayan ng ating mga prayoridad,” aniya pa
Nanindigan din ang lider ng Kamara na ipagpatuloy ang mga repormang naipatupad sa nakaraang budget process kung saan naging mas bukas ito sa publiko.
“Last year, we began implementing reforms such as the Budget Amendments and Review Subcommittee, or BARSC, and introduced the live-streaming of our bicameral meetings,” pagbabalik-tanaw ni Speaker Dy.
“Ang budget ay pera ng taumbayan. May karapatan silang malaman kung saan ito mapupunta. Sisikapin po natin na maging mas bukas pa ang pagbubuo ng ating national budget.”
“Iyan ang ating pananagutan: tiyaking ang pondo ay may malinaw na layunin, ang mga programa ay may tunay na pakinabang, at ang bawat desisyon ay may positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino,” pahabol ni Dy.
