SA pagsalang sa impeachment trial, isa-isang tinukoy ni Commission on Audit (COA) supervising auditor Xylene Del Campo ang mga umano’y pinaggamitan ng P500 million confidential fund na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) noong 2nd semester ng 2022.
Sa pag-uusisa ni prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan sa listahang isinumite ng OVP sa COA bilang liquidation, tinukoy ang paggamit ng confidential funds para sa Christmas activity sa Happy Land, Tondo, Manila; at pulong sa extension office sa Tondo; thanksgiving at update meeting kasama ang tricycle operators’ group, tree planting, distribution ng wheelchairs, gift-giving at medical missions.
Tinanong din ni Kapunan ang COA official kung ang mga nasabing aktibidad, batay sa itinatakda ng Joint Circular No. 2015-01, ay alinsunod sa umiiral na reglamento.
“Based po sa joint circular, hindi po ’to kasama doon sa mga activities po under 4.8 kung saan pwedeng gamitin ang confidential fund,” tugon ni Del Campo.
Nang banggitin ng veteran lady court litigator ang mga nasabing aktibidad kung pinapayagang gastusan ng confidential funds — “Hindi po,” sagot ng state auditor.
Isa pa sa pinuna ng COA sa listahan ng OVP ang nakasaad na petsa kung saan ginawa ang mga nasabing aktibidad mula Disyembre 13 hanggang Disyembre 18, 2022, gayung ang cash advance para sa naturang pondo ay para sa pagitan ng Disyembre hanggang Disyembre 31, 2022.
Ito rin, ani Del Ocampo, ang isa sa mga batayan sa pag-iisyu ng notice of disallowance para sa P73.287-million na liquidation report ng OVP sa confidential funds nito.
Aniya, kinontra ng OVP ang nasabing COA order subalit noong Abril 10, 2026 ay pinal na kinatigan ito ng Commission proper.
