HINDI bababa sa 50 aktibong pulis ang sinampahan ng patung-patong na kasong kriminal sa Office of Ombudsman kaugnay ng di umano’y cover-up sa P6.7-bilyong drug bust noong Oktubre 2022.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, na tumatayong chairman ng National Police Commission (Napolcom), sinampahan ng PNP at Napolcom ng mga kaso noong Biyernes ang mga naturang pulis dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act; RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002); Revised Penal Code, partikular sa Article 171 na may kinalaman sa Falsification, Article 183 sa Perjury, Article 184 sa False Testimony at Article 217 para sa Malversation of Public Property; at Presidential Decree No. 1829 (Obstruction of Justice).
“Noong nakaraang Biyernes, ang Napolcom at PNP ay nagsampa na ng kasong kriminal sa Office of the Ombudsman o tinatawag nating MOLEO (Military and Other Law Enforcement Offices) laban sa 50 respondents,” ani Abalos, sa isang pulong balitaan.
Kabilang sa kinasuhan ang 12 police commissioned officers na sina Lt. Gen. Benjamin Santos Jr., dating deputy chief for operation Brig. Gen. Narciso Domingo, dating PDEG chief, PCOL Julian Olonan, Lt. Col. Arnulfo Ibanez, Lt. Col. Glen Gonzales, Major Michael Salmingo, Lt. Jonathan Sosongco, Lt. Col. Dhefrey Punzalan, Lt. Jefrrey Padilla, Lt. Randolph Pinon, Lt. Silverio Bulleser II at Lt. Ashrap Amerol.
Ayon kay Abalos bukod sa kasong kriminal, nahaharap din umano ang mga pulis sa administrative proceedings.
Paliwanag ng Kalihim, ang pagsasampa ng kaso ay base sa imbestigasyon na isinagawa ng Napolcom at ng Special Investigation Task Group (SITG) ng PNP sa 990-kg shabu haul na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.
Ang “pre-charge investigation” aniya pa, ay kahalintulad ng preliminary investigation sa ilalim ng piskal. Paglilinaw pa ni Abalos, ang mga naturang kasong kriminal ay inihain sa Office of the Ombudsman habang nagpapatuloy naman ang proceedings sa administrative cases.