TATLUMPUNG araw lang ang ibinigay na ultimatum ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga consignees ng mga imported rice na laman ng halos 900 container vans na nakabarega sa North Harbor sa lungsod ng Maynila.
Panawagan ni PPA general manager Jay Santiago, idedeklarang abandonadong kargamento ang mga imported rice sa sandaling hindi pa rin kunin ng mga kumpanyang nakatala sa rekord ng Bureau of Customs (BOC).
Gayunpaman, nilinaw ni Santiago na wala sa mandato ng PPA magsampa ng kaso laban sa mga kumpanyang may-ari ng mga nakatenggang kargamento ng bigas sa pasilidad ng gobyerno.
Aniya, rekomendasyon lamang sa BOC ang pwedeng gawin ng PPA para sa mga overstaying na kargamento sa pantalan. BOC rin lang aniya ang pwedeng magpasya kung ano ang gagawin sa mga kargamento.
Sa aspetong legal, nilinaw rin ni Santiago na tanging ang Department of Agriculture lamang aniya ang pwedeng magsampa ng karampatang kaso kung nakitaan ng mga patunay ng hoarding.
Una nang sinabi ni Santiago na karamihan umano sa mga overstaying na kargamento ng bigas ay nasa mahigit 200 araw nang nakabarega sa pasilidad ng gobyerno.
