Ni ESTONG REYES
SA pagsalang sa Senado ng nakatatandang kapatid ni former Presidential Economic Adviser Michael Yang, inilabas ni Senador Risa Hontiveros ang isang larawan kung saan tumambad ang mukha ni dating Philippine National Police (PNP) chief Benjamin Acorda kasama ang mga personalidad na pinaniniwalaang kaladkad sa usapin ng illegal POGO sa bansa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee on women, partikular na ginisa ni Hontiveros si Tony Yang (alyas Yang Jian Xin) sa litrato kung saan kasama niya ang tatlong iba pa kabilang si Acorda.
“Pwede nyo bang ipaliwanag ang litratong ito. Meeting po ba yan? Sino ang mga kasama at ano ang pinag usapan nyo?” tanong ni Hontiveros.
Sagot ni Yang, hindi umano pulong ang nasa litrato kundi pagbisita kay Acorda na noo’y nanunungkulan bilang hepe ng Cagayan Provincial Police Office.
Pag-amin ni Yang, matagal na silang magkakilala ni Acorda.
Bago pa man ang naturang pagdinig, naging usap-usapan sa hanay ng pambansang pulisya kung sino sa 24 na dating PNP chief ang sinasabing patong sa illegal POGO, batay sa pasabog ng isang opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
