MAHIGIT 300 automated counting machines (ACM) ang nagkaroon ng aberya sa gitna ng katatapos pa lang na halalan, pag-amin ng Commission on Elections (Comelec).
Gayunpaman, pinawi ni Comelec chairman George Garci ang pangamba ng publiko kasabay ng giit na agad na pinalitan ang mga sumablay vote ACMs.
“Mayroon tayong more or less 300 machines na kinakailangan palitan. Hindi naman huminto pero napapansin namin nakaka-dalawang beses nag-reject,” wika ng Comelec chief.
“Kaagad nagdesisyon ang aming operations center na i-pull out ang machines at palitan ito ng bago para hindi maging worse pa,” dugtong ni Garcia.
Kabilang aniya sa mga lugar na apektado ng pumalyang makina ang Cebu, partikular sa Lahug Elementary School kung saan limang ACMs ang sumablay.
Bukod sa Cebu bahagya rin umanong naantala ang botohan sa GB Lontok Memorial Integrated School sa lungsod ng Lipa sa lalawigan ng Batangas.
“16,000 ang contingency natin. In fact nung 2022, umaga pa lang 2,500 na makina na ang pinalitan. Of course, mga lumang makina yan. Ang sa amin preventive measure, kahit ‘di pa sira ang makina pero nagpapakita na ng indication, pinu-pull out na agad,” ayon kay Garcia.
Samantala, mas marami pa ang naitalang aberya a ACM ng grupong Legal Network for Truthful Elections (LENTE).
“The most common problem involved sensitive scanners that frequently rejected ballots. In these instances, the Electoral Board had to temporarily pause operations to clean the scanner, resulting in delays and long queues,” pahayag ng LENTE.
Isang presinto sa Zamboanga del Sur, nagkaroon din problema ang ACM dakong 5:30 a.m. at inabot ng 6:56 a.m.
“Voters were allowed to fill out their ballots but were informed that their ballots would be temporarily set aside and fed into the ACM once operational,” ayon sa LENTE .
Gayundin sa mga voting precincts sa Ilocos Sur, Cagayan, Negros Oriental, Bohol, Aklan, at Lanao Del Norte.
Sa presinto ng Santa Cruz, Laguna, isang Voter Verifiable Paper Audit Trail ang sumablay.
