WALANG plano ang Commission on Elections (Comelec) patagalin pa ang pinananabikang proklamasyon ng 12 kandidatong pasok sa tinatawag na Magic 12.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni Comelec chairman George Garcia ang pormal na anunsyong gaganapin sa Manila Hotel Tent City pagsapit ng ika-17 ng Mayo.
“Baka itong Sabado o Linggo, sana makapag-proklama na tayo ng senador,” wika ni Garcia.
“Pero syempre kailangan ang Comelec 100% ang canvass. Walang kahit isa man na COC ang maiiiwan pag nag-canvass ang Comelec,” dugtong ng Comelec chief.
Batay sa pinakahuling partial at unofficial results ng Comelec, nasungkit ni reelectionist Sen. Bong Go ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP) ang pinakamaraming boto, habang pumangalawa naman ang nagbabalik na si Sen. Bam Aquino ng Partido Liberal.
Nasa ikatlong pwesto naman si reelectionist Bato dela Rosa.
Samantala, sinimulan na rin ng Comelec na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) ang pagta-tally ng mga boto para sa national elective positions.
