ANG pananagutan hindi dapat pili lang. Ito ang buod ng mensahe ng mga lider kabataan sa Office of the Ombudsman kaugnay ng reklamong plunder laban kay Senador Joel Villanueva.
Sa isang kilos-protesta sa harap ng Office of the Ombudsman, partikular na kinalampag ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) si Ombudsman Crispin Remulla sa naantalang paghahain ng kaso laban kay Villanueva — sa kabila pa ng ‘santambak na ebidensya.’
Dalawang linggo na ang nakalipas nang ihayag mismo ni Remulla na “hinog na ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Villanueva na umano’y sangkot sa tinaguriang flood control scandal.
“Dapat ituloy na yun… matagal na yun sinabi tapos halos bumaliktad na nga pero di pa rin nakakasuhan. Kaya mas nag-aalinlangan yung grupo namin na maging bailable na lang yung kaso,” wika ni PUP SPARK Coordinator Christian Ancheta.
“Nandito kami para ipanawagan sa Ombudsman… para higit na tutulan at panagutin din yung Ombudsman sa hindi nito paggawa ng trabaho or yung pagpapatagal pa lalo para panagutin yung mga sangkot sa flood control.”
Sa ginanap na pagdinig ng Senate blue ribbon committee, hayagang tinukoy no dating DPWH District Engineer Henry Alcantara ang senador na tumanggap ng P150 milyong kickback mula sa isang P600 milyong proyekto sa lalawigan ng Bulacan.
