MAKARAANG itanggi ni Philippine National Police chief Rodolfo Azurin ang alegasyon hinggil sa di umano’y cover-up sa kontrobersyal na operasyon kontra droga sa lungsod ng Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon, agad na sinagot ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang patutsada ng paretirong heneral.
Sa isang pahayag, ibinida ni Abalos ang doktrinang karaniwang basehan ng anumang kapasyahan ng husgado – “RES IPSA LOQUITUR” o “he thing speaks for itself”sa wikang Ingles.
Ayon sa kalihim, ang mismong video ng operasyon ang nagsasabi kung ano ang nangyari.
Ang tinutukoy ng Kalihim – CCTV footage sa labas ng lending agency na pag-aari ni Police Master Sgt. Mayo sa mismong araw ng operasyon kung saan nasabat ng mga operatiba ang 990 kilong shabu.
Bago pa man binasag ni Azurin ang pananahimik, una nang pinangalanan ni Abalos ang ilang mga opisyal at tauhan ng PNP na pinagpapaliwanag tungkol sa aniya’y iregularidad sa naturang operasyon.
Paglilinaw ni Abalos, nirerespeto niya si Gen. Azurin, pero naniniwala siyang higit na kailangan ipabatid sa publiko ang tunay na nangyari – na hindi lang 42 kilo ng droga ang kinupit ng mga operatiba sa nakumpiskang shabu.
Kumpiyansa rin si Abalos na bubusisiing maigi ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang insidente.
Kamakailan lang, nagpaabot ng mensahe si Azurin sa DILG chief. Aniya, mas angkop kung itutuon ni Abalos ang atensyon sa mga tunay na kalaban ng estado.
Giit ng PNP chief, hindi dapat maniwala ang Kalihim sa mga tinawag niyang misinformation mula sa mga taong nakapaligid sa kanya.