BUMIGAT ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Quirino Avenue matapos madiskaril sa lungsod ng Makati ang isang tren ng Philippine National Railways (PNR) dakong alas 11:30 ng umaga.
Ayon kay PNP operations manager Jo Geronimo, patungo sa direksyon ng Alabang, Muntinlupa City ang tren nang maganap ang aksidente. Gayunpaman, walang pasaherong nasaktan sa naturang insidente.
Sa paunang ulat ng mga rumespondeng kawani ng PNR, hindi nagawang tahakin ng tren ang angkop na direksyon sa biyahe matapos pumalya ang mekanismo ng riles, hanggang sa tuluyang madiskaril malapit sa Don Bosco sa nasabing lungsod.
Nang tingnan ang sinasabing mekanismo ng riles, nakitang kalas ang mga turnilyo. Sa isang pahayag, tiniyak ng pamunuan ng PNR na iimbestigahan ang sanhi ng aksidente.
