ILANG araw bago ganap na matapos ang itinakdang ultimatum sa pagpapatala ng mga ginagamit na subscriber identity module, isang petisyon ang inihain sa Korte Suprema ng iba’t-ibang grupo laban sa Republic Act 11934 (SIM Registration Act).
Partikular na hiling ng mga petitioners sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction laban sa implementasyon ng naturang batas.
Sa isang kalatas, humirit din ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa Korte Suprema na maglabas ng direktibang nag-uutos sa National Telecommunications Commission (NTC) at National Privacy Commission (NPC) na itigil ang pangongolekta ng datos at wasakin lahat ng impormasyong nakalap mula sa mga nagparehistro ng kani-kanilang SIM Cards mula noong Disyembre hanggang sa kasalukuyan.
Sa ilalim ng SIM Registration Act, lahat ng SIM Card owners ay obligadong punan at isumite ang mga hinihinging impormasyon sa online registration form bago sumapit ang itinakdang deadline – Abril 26,2023.
Ayon kay Sen. Grace Poe, isa sa mga mambabatas na nagtulak sa panukalang SIM Registration, tanging hangad lang ng RA 11934 na wakasan at matunton ang mga manggagantsong gumagamit ng SIM Card sa modus ng panloloko.
Tugon naman ng mga petitioner, nilalabag ng mandatory SIM registration ang karapatan at kalayaang tampok sa ilalim ng umiiral na 1987 Constitution.
“SIM Registration Act restricts our constitutional right to freedom of speech and our right against unreasonable searches and seizures as well as the right to substantive due process.”
“It also conditions the exercise of speech through the use of SIM cards to a mandatory disclosure of a specific combination of information that is supposed to tie every SIM card to a specific person.”
“The regulation it imposes is content-based not because of the content it impedes [which is everything that passes through a SIM card] but because of the content it compels the disclosure of one’s identity,” saad sa isang bahagi ng petisyon.
Hindi rin anila angkop na putulan ng linya ang hindi tutugon sa SIM Registration Act.
Kabilang sa mga petitioners ang National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), Ronalyn Olea (peryodistang lider-katutubo), dating Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat, Bayan Secretary-General Renato Reyes Jr., mga naulilang ina ng mga biktima ng Tokhang, mga transgender, information technology professionals, mga mangingisda, Maded Batara III ng grupong Junk SIM Registration Network, mga magsasaka at mga abogado.
Samantala, pinaubaya ni Poe sa “collective wisdom” ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang kapalaran ng SIM Registration Law.
Ani Poe na tumatayong chairman ng Senate committee on public services at pangunahing may-akda ng naturang batas, walang ibang layunin ang SIMREG kundi tuldukan ang scammers.
“Nakasalalay ang kinabukasan ng SIM Registration Law sa kolektibong karunungan ng mga mahistrado sa Supreme Court,” giit ni Poe.
Aniya, matinong ipinaglaban ng komite ang pagsasabatas nito upang tuluyan nang tuldukan ang scammers at spam na nanloloko gamit ang cellphone hindi lamang sa direktang text messages kundi maging sa social media.
“Ipinaglaban at nagtrabaho kami ng matindi sa pagsasabatas nito na may layunin na walisin ang scam at spams na nambibiktima ng mamamayan at kadalasan, nagiging sanhi ng pagkawala ng salapi o pagkalugi at nagbibigay panganib sa kanilang kaligtasan ,” aniya pa.