HINDI na nagawa pang depensahan ng katiwala ni Vice President Sara Duterte ang liquidation report na isinumite ng Office of the Vice President (OVP0 sa Commission on Audit (COA).

Sa isinagawang direct examination ni Senator-Judge Sherwin Gatchalian, inamin ni former OVP special disbursing officer Gina Acosta na kulang sa “supporting documents” ang liquidation report na isinumite sa COA.

Aniya, hindi na naipasa ni VPSPG chief Col. Raymund Dante Lachica ang mga kulang na dokumentong patunay ng pinagkagastusan ng P500 million confidential funds.

Dagdag ng OVP-SDO, binigyan niya si Lachica ng digital template para sa paggawa ng mga acknowledgement receipts (AR) subalit hindi pa rin naisumite ng nabanggit na koronel sa takdang oras.

Pagbibigay-diin ni Gatchalian, base sa Joint Circular No. 2015-01, na siyang panuntunan para sa paggamit ng confidential and intelligence funds ng mga ahensya ng pamahalaan, kapansin-pansin na kulang ang ARs sa liquidation reports ni Acosta.

“Wala pa po, Your Honor, kasi kinokolekta pa po ang mga acknowledgment receipts, considering na iba-iba po ang location ng pag-implement ng confidential activities or operations,” ang tugon pa ni Acosta.

Muling tinanong ni Gatchalian si Acosta kung bakit hindi nito inatasan si Lachica na mag-turn over ng ARs bago ito nag-submit ng liquidation reports.

“Hindi pa po niya nakolekta lahat, Your Honor. Pero may in-attach po kaming certification.” Ang paliwanag naman ng SDO.

Inusisa rin ng Senate president ang former OVP officer kung ipinabatid nito kay Duterte ang pagkukulang sa liquidation reports at sa maaaring maging legal implication nito kung saan sinabi ni Acosta na “binigyan niya kami ng abogado, Your Honor.” 

Samantala, palaisipan naman sa House prosecution kung saan nakatago ang listahan ng tunay na pangalan ng mga nakatanggap ng confidential funds ng OVP.

Sa panig ni Public prosecutor Joel Chua, kung gumamit ng aliases para protektahan ang pagkakakilanlang ng impormante, dapat pa rin meron pa rin aniyang record ang OVP sa tunay na pagkakakilanlan ng mga tumanggap ng pondo.

Ginawa ni Chua ang pahayag matapos na malantad sa impeachment trial ang ARs na ang nakalagay na mga pangalan ay kina Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, Don Piang, May Pamana, Shane Ngitngit at Xuniso P. Belat.

“Maliwanag sa sinabi ni Gina Acosta na wala nang ibang listahan na nakalagay sa vault. Kung ito ay fictitious lamang, ano ang purpose? Bakit pa ilagay ito sa vault?” 

“Ang purpose ng batas, ng Joint Circular, ay ilagay sa vault iyong mga pangalan na lehitimo, iyong mga identity ng kukuning mga informant,” pahabol ni Chua. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *