KUNG pagbabatayan ang rekord ng Commission on Audit (COA), barya lang ang P500 million confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) noong taong 2023, kumpara sa P2.6 bilyon na hinawakan ni Sara Duterte sa panahon ng panunungkulan bilang alkalde ng Davao City.

Sa pag-usisa kay hostile witness Gina Acosta, ipinakita ni counsel for the prosecution, Atty. Amando Virgil Ligutan ang infographic na nagpapakita ng kabuuang halaga ng confidential funds na pinamahalaan ni Duterte bilang alkalde ng Davao City mula 2016 hanggang 2022.

Ani Ligutan, sa unang taon ni Duterte sa Davao City government, P144 million ang naging confidential funds ng kanyang tanggapan. Pumalo naman sa P294 million naman sa sumunod na taong 2017, P420 million sa kanyang huling taon.

Sa sumunod na termino, P460 million kada taon naman ang confidential funds ni Duterte mula 2019 hanggang 2022.

Si Acosta rin umano ang tumayong special disbursing officer ni Duterte para sa mga nabanggit na confidential funds mula noong naging Davao City mayor hanggang mahalal na bise presidente.

Nang tanungin kung saan napunta ang P460 million na secret funds ng Davao City, sinabi ni Acosta na hindi na niya matandaan dahil na rin sa edad niya ngayon at ilang taon na ang nakalipas.

“You don’t remember that. All in all, from 2019 to 2022, simple math will tell us: P1,840,000,000, almost P2 billion confidential funds sa Davao City binigay, hindi n’yo rin maalala yung total na ‘yan. Tama po ba?,” buwelta naman ni Ligutan.

Mula Davao City Hall ay binitbit ni Duterte si Acosta sa OVP at itinalagang SDO para sa P500 million confidential funds ng tanggapan ng pangalawang pangulo.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Acosta na ang nasabing halaga ay binigay niya, sa pamamagitan ng four tranches, kay OVP security head, Col. Raymund Dante Lachica, base na rin sa utos umano sa kanya ni Duterte.

Sa pagsalang naman ni OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio, bilang isa pang hostile witness ng prosekusyon, binigyan-diin ni counsel for the prosecution Atty. Mae Divinagracia na patutunayan nilang walang lehitimong pinagkagastusan ang confidential funds ng bise presidente.

Giit ni Divinagracia, P250 million confidential funds ang unang hiningi ng OVP kahit wala pa itong naisusumiteng supporting plan noong 2022, habang ang inihain nitong 2023 plan ay nag-uulit lamang sa operative language ng 2022 plan.

Dagdag pa ng lady private counsel, ipakikita rin nila, sa pamamagitan ni Ortonio, na si Duterte ang mayroong “authority and approval” sa mga kaukulang dokumento kaugnay sa nasabing pondo.

“The respondent’s handprints are in every document that mattered. Mula request hanggang liquidation, nasa mahalagang dokumento ang kanyang otoridad at pag-apruba,” aniya pa.

Sinabi ni Divinagracia na ang liquidation at accomplishment reports para sa kabuuang P500 confidential funds ng OVP ay may sinusunod na pattern, sa layuning maka-comply lamang sa rules sa halip aktwal na ideklara kung saan ginasta ang pera.

“Apat na ulat, iisang template, mga halagang hindi nagbabago at laging eksaktong P125 million. Not a peso more, not a centavo less. Walang natira, walang sinauli,” sambit ng abugado.

Giiit ng prosekusyon, kinuwestyon mismo ang Commission on Audit (COA) ang paggamit sa confidential funds ng OVP para sa medical at food aid items, na sa unang tatlong accomplishment reports ng huli, ay nagkakahalaga ng P40 million, P42 million, at P40 million. 

Kapansin-pansin rin anila na limang araw matapos ang pagpuna, inalis sa final accomplishment report ang nasabing mga paggastos subalit ang kabuuang halaga na ini-liquidate ay eksakto pa rin sa P125 million. 

“Daang-daang area ang iniulat, P500 million ang ginastos, ngunit wala ni isang lugar, ni isang operasyon, ni isang petsa ang pinangalanan. The liquidation was “late, irregular, and backdated,” sabi ni Divinagracia.

“Walang untoward incident; yan lamang pinatutunayan. Walang halaga, walang pangalan, walang lugar, at walang petsa. At ang pumirma, ang mismong tumanggap ng pera,” dugtong niya.

Ani Divinagracia, “pabago-bago ang paliwanag, walang detalye, walang dokumentong sumusuporta. Pagtatakip, hindi pagpapaliwanag… at hanggang ngayon, hindi na-account ang P500 million ng bayan.”

“Sa ganitong kabiguan, ang batas na mismo ang nagsasalita: prima facie na pinalalagay na ang pondo ay ginamit para sa sariling kapakanan.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *