SA harap ng mga bumubuo ng House Legislative Energy Action Development Council, tiniyak ng mga top economic officials ng bansa na may nakalatag na plano ang gobyerno sakaling mangyari ang itinuturing na ‘harder scenario’ gitna ng nararanasan global crisis dulot ng giyera sa Middle East.
Ayon kay Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano, masusing ipinatutupad sa ngayon ang iba’t-ibang programa para sa pagpapaabot ng tulong sa mga sektor na labis na naapektuhan ng problema sa presyo at suplay ng langis.
Bukod aniya sa pag-agapay sa mga mamamayan, nakatutok umano ang administrasyon sa pagpapatibay ng “financial capability” ng gobyerno.
“The government must balance the urgent need to provide support to the most vulnerable sectors with the equally critical responsibility of maintaining fiscal discipline,” wika ni Adriano.
Ang nasabing House panel ay binubuo ng 13 komite at nagpatawag ng talakayan para mabatid kung ano ang kaukulang tugon na kailangang gawin ng Kamara, alinsunod sa mga hakbang ng Marcos administration, para maibsan ang mabigat na epekto ng oil price shock.
“The economic managers have undertaken rigorous assessment of the macroeconomic and fiscal implications of the crisis and have submitted recommendations to the President for the suspension or reduction of excise tax on fuel,” dagdag pa ng Finance official.
Sinisikap din umano ng pamahalaan maiwasang lumawak ang epekto sa ekonomiya ng pagtaas sa presyo ng mga produkto petrolyo, kabilang na dito ang pagpapababa sa logistic at transaction costs sa pamamagitan ng pagtulong sa transport at agriculture sectors.
Sa panig ni acting Budget Secretary Rolando Toledo, sinabi niyang isa rin sa hakbang na ginagawa ay direktiba para sa pagtitipid ng mga ahensya at gamitin ang bahagi ng kani-kanilang badyet para sa pagbibigay ng tulong.
“In support of the objectives of Memorandum Circular (MC) 114 and Executive Order (EO) 110, the DBM recommends mandating all departments and agencies to save at least 20 percent from non-essential MOOE,” paglalahad pa ni Toledo.
Direkta namang isiniwalat ni Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na bagamat sinisikap na maiwasan ay nakatuon din pansin ng mga opisyal ng gobyerno sa itinuturing ‘harder scenario’.
“In the worst scenario, inflation could be as high as 6 to 7 percent if oil prices would stay at $150 per barrel. And that’s quite high. It’s just like going back to the high inflation of the early 2023 when inflation was hitting at 6 to 8 percent,” ani Balisacan.
Giit ng Kalihim, maituturing na kritikal ang nasabing pagtaya subalit makatutulong ito para makapaghanda ng lubos sa halip na mabigla ang gobyerno at hindi agad na makatugon sa problema.
Sinabi rin ni Balisacan na kung magpapatuloy ay mahihila pababa ng oil shock ang target na economic growth dahil mas magiging mataas ang gastos sa product distributions at pagpapatakbo ng negosyo.
Bilang tugon, sinabi naman ni House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina City Rep. Miro Quimbo na ang mga ibinahaging datos ng economic managers ay magbibigay ng kaalaman sa mga mambabatas, na magiging batayan sa isusulong sa mga panukalang batas alinsunod sa anti-crisis plan ng executive branch ng pamahalaan.
