“HINDI tayo magka kanya-kanya, bagkus tayo ay magsasama-sama.”
Ito ang mariing deklarasyon ni House Speaker Faustino Dy III sa pagbubukas ng high-level multi-panel House hearing, na aniya ay isang hakbang na nagpapakita rin ng nagkakaisa tugon sa epekto ng oil price crisis sa bansa.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Dy ang pakikipagtulungan ng lehislatura sa sangay ng Ehekutibo para resolbahin ang mga hamon ng umiiral na global fuel shock at maibsan ang mabigat na epekto nito sa pamilyang Pilipino.
“Hindi tayo magka kanya-kanya, bagkus tayo ay magsasama-sama. This is exactly the kind of whole-of-government response our people expect—a Congress that has chosen to work with the Executive to find lasting and forward-looking solutions. At higit sa lahat, ito ang nararapat nating gawin para sa ating mga mamamayan,” wika nng lider ng Kamara.
“Alam po natin na ang krisis na ito ay hindi natin kontrolado. Ito ay dulot ng tensyon sa ibang bahagi ng mundo, subalit ang bigat nito ay pinapasan nating mga Pilipino—sa pamasahe, sa presyo ng langis, sa singil sa kuryente, at sa bawat hapag-kainan,” dagdag ng House Speaker.
Ayon kay Dy, batid namang hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng krisis subalit mayroong paraan na magagawa ang gobyerno para mapahupa ang direktang epekto sa mga mamamayan.
Paliwanag ni Speaker Dy, ang binuo at pagsasagawa ng mega hearing ng pinagsanib na 13 key committees ng Kamara ay hindi lamang para magtanong o mag-usisa ang mga kongresista kundi upang makabuo ng kasagutan, na mabilis, matibay at higit sa lahat ay nararamdaman ng taumbayan.
“Una, ang agarang pagtugon—targeted assistance para maibsan ang pasanin ng ating mga kababayan. Ikalawa, ang mga pangmatagalang solusyon—mga reporma sa enerhiya, ekonomiya, at seguridad sa suplay upang hindi na tayo paulit-ulit na tinatamaan ng ganitong krisis,” dagdag ng Isabela solon.
“The objective is clear: protect the Filipino people, stabilize the economy, and build resilience against future shocks.”
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Speaker Dy sa mga opisyal ng Executive department na tumugon sa imbitasyon at naging aktibo sa diskusyon.
“Ang inyong presensya ngayon ay napakahalaga—ito ay malinaw na mensahe na sa panahon ng krisis, iisa ang direksyon ng ating pamahalaan,” sabi pa ng lider ng Kamara.
“Maliwanag po ang mensahe natin sa taumbayan—sa gitna ng krisis, magkatuwang at nagkakaisa ang Executive at Legislative branches, ang pamahalaan ay nakatutok sa pagbibigay ng mga solusyon at nakahandang makipagtulungan at kumilos para sa kapakanan ng bawat Pilipino.”
