NANINDIGAN si kabilang sa isa sa 11 miyembro ng House prosecution team na mandato ng Senado agad aksyunan ang Articles of Impeachment na inihain ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Manila 3rd Dist. Rep, Joel Chua, na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang iginigiit niyang responsibilidad ng Senado ay hindi lang nakasaad sa 1987 Constitution kundi isang masidhing panawagan ng mamamayang Pilipino.
Nanindigan din si Chua na hindi na kailangan magpatawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mabalangkas ng Senado ang impeachment court para sa pinaka aabangang paglilitis kay Duterte.
Nirerespeto rin ng Manila solon ang opinyon ni Senate President Francis Escudero na ang aktwal na impeachment trial ay maaaring magsimula sa pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo.
“But kami nga po ang stand po kasi namin dito dapat ay agaran na po yung pag-try ng impeachment dahil ito po ay inu-utos po ng ating Saligang Batas. Alam po ninyo, ang Saligang Batas po kasi ito po ay hindi ordinaryong batas,” sambit ni Chua sa panayam ng Super Radyo DZBB.
“Ito po ang basic law of the land. At ang author po nito ay ang sambayanang Pilipino. Makikita po natin ‘yan sa preamble, ‘with the Filipino people employing the aid of the almighty God.’ So ibig sabihin po niyan ang author ng Saligang Batas ay ang Pilipino. So ang ibig sabihin ang nagsasabi po na ito po ay dapat simulan na agad ay ang sambayanang Pilipino, base po sa ating Constitution,” giit pa ni Chua.
Nang tanungin kung kailangan bang magpatawag ng special session ng Pangulo para makagalaw ang Senado sa impeachment case, sagot ni Chua, “Ako po with all due respect, hindi po ako naniniwala na kailangan po ng Presidente para ipatawag ang special session.”
“Bakit po? Kasi mismo ang Saligang Batas na ang nagsasabi, (trial) ‘shall forthwith (proceed).’ So ibig sabihin shall forthwith proceed. But sinasabi rin po ni (former) Senate President (Franklin) Drilon na even without, kung tama po ang pagka intindi ko, parang sinasabi niya the Senate itself, e po pwede po mag-convene para po dito sa impeachment proceeding,” ani Chua.
Muli ring iginiit ni Chua ang nakalagay sa Konstitusyon na dapat agaran ang maging aksyon ng Senado sa impeachment case.
“Nakalagay po dun na immediately, o forthwith yung word na ginamit, ‘shall forthwith proceed’ with the impeachment (trial). So ibig sabihin po dito, ito po ay inu-utos ng ating Saligang Batas. Kaya ako po naniniwala na hindi naman kailangan po na ito ay naka-session, para po mag-proceed ng impeachment (trial),” paliwanag ng solon.
Dumepensa rin si Chua sa pahayag ni Escudero na binitin ng Kamara ang tatlong impeachment complaint ng dalawang buwan at ngayon ay minamadali ng mga kongresista ang Senado na aksyunan ito.
Subalit iba ang pananaw ni Chua. Aniya, agad na nai-akyat sa Senado ang Articles of Impeachment dahil pirmado na ito ng 215 kongresista. Kung ang inindorso umano ng plenaryo ng Kamara ay ang tatlong naunang impeachment complaint ay magtatagal ito dahil daraan pa sa paglilitis ng House Justice committee.
“Alam po ninyo, iba po kasi ang situation ng House, iba ang situation ng Senado. Kasi ang House po, ito po ang magpa-file ng impeachment complaint. So ibig sabihin kung ang ifa file mo naman na impeachment complaint ay mahina, ay bakit ka pa magpag-file, mag-establish ng reklamo?” tanong ng solon.
“Kaya kami po, bago po ‘yan ifinile, ‘yung fourth impeachment complaint, is sinigurado po muna ng House na yung ipa-file namin ay solido ang ebidensya. At saka syempre tinignan din po namin na hindi po kami lalabag, ‘yun sa tinatawag namin natin na one-year ban,” aniya pa.
“So ang Senate po kasi ang situation po nila iba, ‘yan po ay i-hear lang po kung ano ang na-filed. So kami po ang mag-establish ng impeachment complaint. So sila po, i-hear lang po nila, ay mas mahirap po mag-establish.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
