
LUBOS na ikinagagalak ng pamunuan ng Kamara ang pagpapalawak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa new outpatient emergency care coverage, gayundin ang pagtataas sa case rate packages sa ilalim ng kategoryang ‘critical illnesses’ alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ito ang klase ng repormang diretsong nararamdaman ng tao. Mas maraming Pinoy na may karamdaman ang magagamot agad, hindi na kailangan maghintay ng matagal o matakot sa gastos bago magpunta sa ospital,” pahayag ni House Speaker Martin Romualdez, na isang abogado mula sa University of the Philippines (UP).
Ayon sa lider ng Kamara, sa pagkakaroon ng Facility-Based Emergency (FBE) benefit, na bahagi ng ipinatutupad na Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package, ang mga miyembro ng PhilHealth ay mabibigyan ng emergency medical attention sa accredited hospitals kahit hindi na sila ma-confine.
Bukod dito, itinaas din ng PhilHealth case rate packages para sa nasa halos 9,000 medical conditions, kabilang ang mataas na financial coverage para sa pneumonia, cancer treatments, heart surgeries, maternal health services, at iba pa.
Para kay Romualdez, malaking tulong ang ginawa ng PhilHealth para maibsan ang mabigat na gastusin sa pagpapagamot.
“Ang sakit, hindi dapat pabigat sa bulsa ng bawat Pilipino. Dati, ang isang simpleng sakit tulad ng pulmonya ay maaaring magdulot ng pagka baon sa utang. Ngayon, mas malaki na ang sagot ng PhilHealth, at mas maraming buhay na ang maliligtas,” anang Leyte congressman.
Gayunpaman, nilinaw ng lider-kongresista na marami pang dapat gawin para mapabuti ang pagkakaloob ng healthcare service sa bawat mamamayan partikular na maging higit na accessible at mahusay.
Dapat din aniyang mabilis ang proseso sa pagbabayad ng PhilHealth ng obligasyon sa mga pribadong ospital at ang accreditation sa iba pang medical institutions na nais maging katuwang ng huli sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan.
“Malaking hakbang ito, pero hindi pa tapos ang laban. Ang totoong pagsubok ay siguraduhin na walang Pilipinong pinagkaitan ng serbisyong medikal. Dapat madali, mabilis, at episyente ang proseso. Ang serbisyong pangkalusugan ay hindi dapat isang pribilehiyo—dapat ito’y karapatan ng bawat Pilipino,” dugtong ni Romualdez.
Muli namang tiniyak ng namumuno sa 306-strong House of Representatives ang pagsusulong ng reporma sa healthcare sector, tulungan ang mga Pilipino mula sa malaking gastusin sa pagpapagamot at tiyakin ang de-kalidad ang medical services na ibibigay sa higit na nangangailangan ng kalinga.
“Sa dulo, hindi lang ito tungkol sa budget o benepisyo. Tungkol ito sa buhay ng bawat Pilipino. Kaya dapat tayo mismo—gobyerno, ospital, at taumbayan—ay magkaisa upang tiyakin na ang serbisyong ito ay tunay na nararamdaman ng lahat,” wakas na sambit ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)