
BINATIKOS na isang militanteng kongresista ang ang kontrobersyal na panukalang nagtutulak na ibalik ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga kolehiyo at pamantasan.
Pagsisiwalat ni Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel, may kaakibat na singil sa mga estudyanteng isasailalim sa mandatory ROTC, batay sa bersyon ng panukalang isinusulong sa Senado.
Partikular na tinukoy ni Manuel ang Section 19 ng nasabing panukala kung saan di umano may itinakdang ‘training fee’ na katumbas ng 50% per unit batay sa matrikulang pinapairal ng mga kolehiyo at unibersidad.
Aniya pa, hindi sakop ng Free Tuition Law ang ROTC sa mga state colleges and universities – tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Polytechnic University of the Philippines at iba pang pinangangasiwaan ng pamahalaan.
“These Mandatory fees will keep more students out given impending tuition and other fee increases across private universities. Hindi na nga nakakatugon sa krisis sa edukasyon ang Mandatory ROTC, dadagdag pa sa problema,” litanya ni Manuel.
Para naman kay Kabataan Partylist Executive Vice President Renee Louise Co, hindi makatarungan sa mga estudyante lalo na’t nakaamba umano ang panibagong tuition fees hike sa susunod na school year.
“Doble gastos, doble pagod at doble abuso ang dulot ng Mandatory ROTC. Di dapat sapilitang ipasok at singilin pa ang mga estudyante sa isang programa na napatunayan sa kasaysayan pumatay na sa kapwa estudyante,” ani Co.
Higit na kilala ang Kabataan partylist na kontra sa pagbabalik ng Mandatory ROTC. Katwiran ng grupo, ugat lamang umano ng pang-aabuso ang ROTC sa mga unibersidad – tulad nang karanasan ng mga estudyante bago pa man isantabi ang implementasyon ng naturang programa ng kagawarang nangangasiwa sa edukasyon.
Pinasaringan din ng grupo ang Commission on Higher Education (CHED) na anila’y mas piniling suportahan ang Mandatory ROTC– kesa depensahan ang mga pinaglalaban ng mga mag-aaral.