HINDI matatawaran ang ambag ng mga non-teaching personnel na kabilang sa education support personnel upang umayos at gumanda ang operasyon ng eskuwelahan kahit nasa likod sila ng mga eksena.
Ganito ang pagpapahalaga ni Senador Alan Peter Cayetano sa education support personnel kasabay ng pagdiriwang ng National Education Support Personnel Day nitong May 16.
Aniya, malaki ang ambag nila sa maayos na operasyon ng mga paaralan bagama’t madalas silang nasa likod ng mga eksena.
“Ang mga librarian, guidance counselor, registrar, at iba pang non-teaching staff ay ang backbone ng ating mga paaralan. Sila ang nagpapaandar ng sistema para makapagturo nang maayos ang mga guro at makapag-aral nang mabuti ang mga estudyante,” pahayag ni Cayetano.
Bilang Chair ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, binansagan ni Cayetano ang mga support personnel na “unsung heroes” ng education sector.
Aniya, may direktang epekto ang kanilang trabaho sa kalidad ng edukasyon na naibibigay sa mga estudyante.
“Kung ang estudyante ang seed, ang school naman natin y’ung soil,” sabi niya.
“Our support personnel are the hands that till the soil and nurture the seeds. If we want to see a stronger education system in the next decade, we need to invest in them now,” dagdag pa niya.
Pero giit ni Cayetano, hindi sapat ang papuri lang. Dapat may konkretong aksyon din para mabigyan sila ng disenteng sahod, sapat na training, at malinaw na career path.
“Recognition without action is like giving a title without the tools. As we honor them today, let’s also work towards providing the support they need to continue doing their vital work,” aniya.
Paalala ni Cayetano, ang ginagawa ngayon ng gobyerno para sa mga education workers, mula sa mga guro hanggang sa mga support personnel, ay magdidikta ng kinabukasan ng bansa.
“What we do now for our education workers will directly impact the state of our country in the next decade. We can’t talk about reform without acknowledging those who keep our schools running every single day,” pahayag niya. (ESTONG REYES)
