
MAKARAAN ang paglabas ng warrant of arrest laban kay former presidential spokesperson Harry Roque, target ng Department of Justice (DOJ) makipag-ugnayan sa International Police Organization (Interpol) para sa agarang pag-aresto ng dating opisyal sa Palasyo.
Sa isang pulong-balitaan sa MAlacanang, partikular na tinukoy ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang mandamiento de arresto na nilagdaan ni Judge Rene Reyes ng Angeles City Regional Trial Court Branch 118 para sa kasong paglabag ng Republic Act 9208 na mas kilala sa tawag na Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Bukod kay Roque, pasok din talaan ng mga nakatakdang damputin sa bisa ng warrant of arrest si Cassandra Ong at 48 iba pang pinaniniwalaang sangkot sa operasyon ng scam hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Castro, plano ng gobyerno na hingin ang tulong ng Interpol para ibalik sa Pilipinas si Roque, na kasalukuyang nasa Netherlands.
Para kay Castro, hindi pwedeng isangkalan ni Roque ang nakabinbin aplikasyon sa Netherlands para sa political asylum upang makaiwas sa pagdakip ng Interpol.
“Eh kung mayroon naman pong valid warrant of arrest at may kaso siyang dapat kaharapin, hindi siya dapat magtago sa kanyang petition for asylum,” dagdag ni Castro.
Palihim na pumuslit palabas ng Pilipinas si Roque matapos madawit sa sinalakay na scam hub sa bayan ng Porac sa lalawigan ng Pampanga.