WALA maski isang kongresista ang tumutol sa pagpapatibay ng Kamara sa panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga kabataan laban sa “bullying” at iba pang anyo ng panggigipit, panghihiya, pananakit at iba pa.

Sa bilang na 245 na kongresistang pabor, ganap nang inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 10134, para sa pagdedeklara ng National Bullying Awareness and Prevention Month.

Para kay House Speaker Faustino Dy III, mahalaga ang pagsusulong ng anti-bullying bill para sa proteksyon ng mga bata, kasama na ang pagtitiyak na ligtas ang lahat ng mga paaralan at komunidad.

Ayon kay Dy, layon ng HB 10134 na palakasin ang kamalayan ng publiko sa bullying at pakilusin ang mga eskwelahan, pamilya, komunidad at mga ahensya ng  pamahalaan para sama-samang pagkilos na tatapos sa banta sa kaligtasan ng mga bata.

“Every child deserves to go to school feeling safe, respected, and accepted. Walang batang dapat matakot pumasok sa eskwela dahil sa pang-aapi, pananakot, o anumang uri ng bullying,” wika ni Dy.

“Bullying is not something we should dismiss as a normal part of growing up. It can leave wounds that we may not immediately see, but which a child can carry for many years. Kaya mahalaga ang prevention, awareness, at maagang pagkilos,” dugtong ng lider ng Kamara.

Sa ilalim ng HB 10134, ang buwan ng Setyembre kada taon ang itinalagang National Bullying Awareness and Prevention Month para mapalakas ang kamalayan ng publiko hinggil sa bullying prevention at kahalagahang protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso, kalupitan, pagsasamantala at iba pang mapaminsalang gawain.

Inaatasan din sa ilalim ng panukala ang Department of Education (DepEd), sa pakikipagtulungan sa National Youth Commission (NYC) at Council for the Welfare of Children (CWC), para gumawa at magpatupad ng annual program of activities para sa nasabing awareness month.

Katuwang din sa naturang adbokasiya ang mga local government units, private organizations, civil society groups, non-government organizations, at people’s organizations.

“Ang laban kontra bullying ay responsibilidad nating lahat—ng mga guro, magulang, paaralan, pamahalaan, at ng mismong mga kabataan. We need to teach our children not only to stand up for themselves, but also to stand up for others who may be afraid to speak,” anang kinatawan ng Isabela sa mababang kapulungan.

“Hindi natatapos ang bullying sa pag-uwi ng bata. Sa panahon ng social media, maaari itong sumunod sa kanila hanggang sa kanilang tahanan. Our responsibility is to make sure our laws, our schools, and our communities keep pace with the realities our children face today,” dugtong niya.

Tiniyak din ni Dy ang patuloy na pagsusulong ng Kamara sa mga hakbang para sa mas malakas na proteksyon at kapakanan ng kabataan.

“Sa Bagong Kongreso, gusto natin maramdaman ng bawat bata na may nakikinig sa kanila, may handang tumulong sa kanila, at may pamahalaang handang protektahan sila,” ani Dy.

“Because when our children feel safe, they are free to learn, to dream, and to become the best version of themselves. That is the kind of environment we must build for every Filipino child.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *